Pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay naglalayong paunlarin ang kasanayan sa pagsasalin na ginagabayan ng pananaliksik (saliksik-salin) na nakalapat sa konseptong Filipinolohiya, sa pag-unawa sa kahulugan, teorya at kahalagahan ng pagsasapraktika ng pagsasalin tungo sa Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino. Ang pagsasalin bilang disiplinang nagbabanig sa kaisipan at kamalayang bayan ay naglalatag sa kapangyarihan at kahalagahan ng Pambansang wika at mga katutubong wika tungo sa paglikha ng mga teorya salig sa konseptong Filipinolohiya sa pagsasakonteksto ng mga batayang pangangailagang kaalaman sa pag-unawa sa kalagayan ng lipunan sa pagkakamit ng pambansang kaunlaran.
Ang Pagsasalin sa Kontekstong Filipino ay asignaturang Filipino na tatalakay sa kahalagahan ng Wikang Pambansa salig sa mga wikang katutubo. Sasaliksikin ang mga tekstong naisalin batay sa industriya o/at larang. Susuriin at isasalin ang mga tekstong pampanitikan, teknikal at espesyalisadong disiplina na tumutugon sa kalagayan at pangangailangan ng lipunang Filipino na mahigpit na nakayakap at nakalapat sa makabansang kaisipan. Naglalayon itong makapagtipon ng mga korpus (glosaryo, talasalitaan, ensiklopidya, atbp.) mula sa iba‘t ibang larang sa pamamagitan ng pakikisangkot/ halubilo tungo sa pagbubuo ng mga materyal na sinaliksik at isinalin (saliksik-salin) na magiging ambag sa intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino.